marou's posts with tag: pre-need victims

What are tags? You can give your posts a "tag", which is like a keyword. Tags help you find content which has something in common. You can assign as many tags as you wish to each post.
View posts by people in your network with tag pre-need victims
Perpekto kung titingnan ang ideya ng pre-need plans. Bibili ka ng isang planong hindi mo pa kailangan sa kasalukuyan, subalit tiyak na magagamit mo sa tamang panahon. Makatitipid ka sa gastusin at nakakasiguro kang may sasagot sa iyong pangangailangan sa hinaharap.
 
Sinimulan ng Pacific Memorial Plans, Inc. ng pamilya Yuchengco ang pagtugon sa pangangailangang ito. Magkatuwang na itinatag nina dating Ambassador Alfonso Yuchengco at Enrique Sobrepena (ama ni Robert Sobrepena ng College Assurance Plans o CAP) ang Pacific noong 1966. Wala nang aalalahanin pa ang mga namatayan kung may hawak na memorial plan ang nasawi dahil sagot ng plano ang lahat ng gastusin mula sa pagburol hanggang sa paglilibing. Magandang ideya kung kaya't maraming kumagat dito.
 
Taong 1976 naman nang ipinakilala ang pension plan ng Professional Pension Plan na ngayon ay kilala bilang Professional Financial Plan, Inc. (o The Professional Group ni Francisco Colayco). Ito naman ay parang life insurance bagaman at ang ideya naman ay maghuhulog ka ng kaukulang halaga na makukuha mo makalipas ang nakatakdang panahon na may dagdag na kita na.
 
Apat na taon makalipas na maging matagumpay rin ang pension plan, itinayo na ang CAP na ang partikular na tutugunan naman ay ang pangangailangan sa edukasyon. Maipapasok mo sa kahit na anong eskwelahan sa kolehiyo at makakakuha ng kahit na anong kurso ang iyong anak. Magandang ideya, kung kaya't marami ang nagsikuha. Nagsisunuran rin ang ibang mga kumpanya at nag-alok, hindi lamang ng college education plans, kung hindi maging ng elementary at high school education plans.
 
*******
Apatnapung taon simula nang pumasok ang unang pre-need product sa ating merkado, ang industriyang ito ay kumita ng bilyon-bilyong piso. Sa kasalukuyan, tinayang mahigit 6 na milyong Pilipino ang may hawak na pre-need plan. Mabilis ang pag-angat ng industriya. Kinilala ng pamahalaan na katuwang sa progreso. Subalit ngayon, ang dating masiglang industriya ay nababalot ng matinding problema.
 
********
 
Ipinatupad ang Education Act of 1982 na nag-deregulate sa matrikula sa mga eskwelahan base sa pag-apruba ng Ministry of Education, Culture and Sports. Inimplementa ng mga eskwelahan ang 10% maximum na taunang pagtataas ng matrikula mula 1982 hanggang 1993.
 
Sa halip na panghinaan ng loob ang mga pre-need companies, lalo pa silang nagpakasipag sa pagbebenta ng mga plano, at ginamit pa ang Education Act of 1982 bilang pangkumbinsi sa mga may anak na mas dapat na kumuha sila ng education plan para hindi maaapektuhan ng tumataas na halaga ng matrikula.
 
*********
 
Late 1980's pa lamang ay bumagsak na ang PAMANA Educational Plans. Gayunman, hindi ito lumikha ng matinding ingay dahil kakaunti lang ang planholders at masigasig noon ang mas malalaking kumpanya sa pagbebenta ng mga traditional education plans.
 
Dahil malalaking kumpanya at tila mga pader na masasandalan, nagtiwala sa mga kumpanyang ito ang libo-libong halos nagpapawis ng dugo araw-araw sa paghahanapbuhay na masasagot ang pangangailangan sa edukasyon ng kanilang mga anak - kahit saang eskwelahang ipasok at kahit anong kursong kukunin.
 
Subalit inabutan din ng realidad ang mga higanteng kumpanyang ito. Nagsimulang magpakita na ng kahinaan laban sa tumataas na matrikula ang CAP noong 2004 hanggang sa magharap na ito ng corporate rehabilitation application sa Makati Regional Trial Court. Sinundan ito ng Pacific Plans, Inc., Platinum Plans, Capitol Plans at ang pinakahuli ay ang The Professional Group o Professional Financial Plans, Inc.
 
Ang masaklap, hindi na traditional education plans lamang ang apektado ng paggiray ng mga kumpanyang ito kung hindi maging ang iba pang mga planong hindi naman sakop ng mabilis na pagtataas ng halaga - ang pension at memorial plans.
 
*********
 
Tinatayang 780, 000 ang mga apektadong plan holders ng CAP. Tatlumpu't apat na libo sa Pacific Plans, mahigit 100, 000 sa Platinum Plans, 50, 000 sa The Professional group at 3, 000 sa Capitol Plans. Libo-libong pangarap na nawasak ng pagbagsak ng mga kumpanyang inasahan nilang sasagot sa kanilang kinabukasan - ang kinabukasang ngayon na nila hinaharap.
 
Inaalok ngayon ang mga planholders ng mga kumpanyang ito ng iba't ibang pamamaraan upang makalusot sa orihinal na kasunduan - babaguhin ang mga nakasaad sa kontrata, subalit habang inaayos ito, bahala muna ang mga planholders na sagutin ang edukasyon ng kanilang mga anak. Bahala na ang mga planholders na magkautang-utang. Bahala na rin kung kailan sila bababayaran ng kumpanya.
 
Ang mga kumuha ng plano ay nasa iba't ibang antas ng kabuhayan - may mga mensahero, clerk, guro, pulis, sundalo, mamahayag, negosyante, abogado, doktor - lahat ay umasang masisiguro ang kinabukasan ng kanilang mga anak sa pag-aaral at ang sariling hinaharap sa kanilang pagtanda o pagpikit ng mga mata.
 
Subalit ngayon, ang mga pangarap na ito ay tila naglalahong parang bula. At ang kanilang tanong: bakit parang walang kongkretong aksyon mula sa pamahalaan? Ano ang ginagawa ng Securities and Exchange Commission (SEC) na siyang dapat ay nagreregilate ng industriyang ito? Ano rin ang ginagawa ng Philippine Federation of Pre-Need Plan Companies, Inc. (PFPPCI) sa sitwasyon ng mga gumigiray na kumpanyang ito?
 
******
 
Libo-libong kinabukasan ang ngayon ay walang kasiguruhan. Makalipas ang ilang taong pagpapakahirap, ang inaasahan nilang prutas na pipitasin ay inu-uod na, malamang na hindi na mapakinabangan. Ang hinihingi nila ngayon ay katarungan - ang pagtupad ng mga kumpanyang ito sa ipinangako sa kanila ngayong dumating na ang takdang panahon.
 
Ang aking column sa TANOD (isang local tabloid na lumalabas araw-araw) na pinamagatang ISANG MILYONG HINAGPIS ang daan upang maisiwalat ang mga pangyayari ngayon sa industriya ng pre-need partikular ang karanasan ng mga nabiktimang plan holders.
 

© 2008 Multiply, Inc.    About · Blog · Terms · Privacy · Corp Info · Contact Us · Help